Walang kalaban-laban na basta na lang binaril ng mga kawatan sa likod ng ulo ang isang babaeng gasoline attendant habang kunwaring nagpa-gas ang rider na kasabwat pala ng salarin sa Cabanatuan, Nueva Ecija.

Sa ulat ng GMA News "Quick Response Team" nitong Martes, makikita sa video ang rider na naka-helmet na nagpakarga ng gas sa biktima  na nag-iisa lang sa gasolinahan nang sandaling iyon.

Maya-maya lang, isang lalaking naka-sombrero ang biglang sumulpot at pumunta sa likod ng biktima. 

Kasunod nito ay naglabas na ng baril ang salarin at binaril ang biktima sa likod ng ulo.

Nang matumba ang biktima, tinangay na ng mga salarin ang kaniyang bag na naglalaman ng kita ng gasolinahan.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang mga salarin. --FRJ, GMA News