Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 si Bulacan Representative Henry Villarica, ayon kay House Secretary General Jose Luis Montales.

Sa pahayag nitong Huwebes, sinabing dinala si Villarica sa isang ospital noong Marso 12 dahil sa pneumonia.

Maayos na umano ngayon ang kalagayan ng mambabatas, at hindi naman nagpakita ng sintomas ng sakit ang kaniyang mga tauhan.

Ayon pa kay Montales, huling nagpakita sa trabaho si Villarica noong Marso 4.

Noong Marso 8, dumalo siya sa pagtitipon na pinamunuan ni Baliuag Mayor Ferdie Estrella, na nauna nang nagpositibo sa virus.

Samantala, inihayag ni Manila Teachers party-list Rep. Virgilio Lacson, na negatibo siya sa virus matapos na unang lumitaw na positive sa COVID-19.

“The sample was brought to the Research Institute for Tropical Medicine (RITM) for final testing and official confirmation. RITM has just relayed the [negative] result,” saad niya.

Kabilang sa mga mambabatas na nagpositibo sa virus ay sina ACT-CIS party-list Representative Eric Go Yap, Sens. Sonny Angara, Koko Pimentel, at Juan Miguel Zubiri.--FRJ, GMA News