QUEZON - Patuloy ang isinasagawang pamamahagi ng cash assistance o Social Amelioration Financial Assistance ng pamahalaan sa Quezon Province.
Kung mayroong mga nagrereklamo dahil hindi sila nabigyan o nabawasan ang nakuha na ayuda ay mayroon namang nag-ambagan upang mabigyan 'yung mga hindi napili.
Sa Barangay Manggalang Bantilan sa Sariaya, Quezon ay aabot sa 700 residente ang tumanggap ng P6,500 nitong Lunes.
Ang mga nakatanggap ay nagpasya na mag-ambag ng P500 at ang iba naman P1,000 upang pagsama-samahin ito at ibigay sa mga hindi napiling bigyan.
Nais ng mga residente ng Barangay Manggalang Bantilan na walang maiwan o lahat ay makinabang sa biyayang natanggap.
Ayon sa kanilang barangay captain na si Leoncio Umali, lubos raw ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga kabarangay. Natutuwa raw siya dahil nagkakaisa ang mga ito.
Ang lokal na pamahalaan raw ng Sariaya ay mayroon ding ibibigay na ayuda sa mga hindi nakasama sa Social Amelioration Program.
Masayang-masaya ang mga residente sa kanilang nakuha. Lahat raw ay willing na mag-ambag.
Nagsoli
Isang magsasaka naman ang nagbalik sa kanyang natanggap na ayuda.
Kahit may karamdaman si Mang Edwin Biscocho ay ibinalik niya ang P6,500 na nakuha dahil una na raw siyang nakatanggap mula naman sa Department of Agriculture.
Nagreklamo
Samantala sa Barangay Concepcion Uno sa Sariaya, Quezon, isang senior citizen naman ang nagreklamo nang kunin sa kanya ang P3,000 mula sa natanggap niyang P6,500 na ayuda.
Si Mang Simeon ay naninirahan sa isang barong-barong at mag-isang binubuhay ang sarili.
Kwento ni Mang Simeon Esguerra, pinakuha raw ng isang kagawad ng barangay ang P3,000 upang ibigay raw ito sa pinalabas na beneficiary ni Mang Simeon.
Ayon kay Kagawad Anghel Magboo, hindi naman daw siya ang nagpakuha ng pera. Hindi raw kasi pumayag ang Department of Social Welfare and Development na isama sa bibigyan ng cash assistance si Mang Simeon dahil wala itong beneficiary at nag-iisa lang sa kanyang bahay.
Gumawa raw siya ng paraan na magkaroon ng beneficiary ang matanda. Isinulat raw nito ang pangalan ng isang kapitbahay sa form upang palabasin na may beneficiary si Mang Simeon. Ang beneficiary raw ang kumuha ng P3,000.
Nangako si Kagawad Magboo na ibabalik kay Mang Simeon ang P1,500.
Base sa Bayanihan To Heal As One Act, makatatanggap ng ayuda ang 18 milyon na low-income households upang matulungan sila habang may krisis dahil sa COVID-19.
Ang ayuda ay P5,000 hanggang P8,000 para sa dalawang buwan base sa rehiyon. —KG, GMA News
