Nakatanggap ng bagong bisikleta ang isang manggagawa mula sa Bacoor, Cavite na naglalakad ng dalawang oras para makapasok sa kaniyang trabaho sa Makati City.

Itinampok sa Unang Balita kamakailan si Leonel Antones, kung saan naabutan siya ng GMA News sa Parañaque nitong Martes na nakakadalawang oras na sa paglalakad.

Dahil dito, sinadya ng negosyanteng si Alvin Melgar ang bahay ni Antones nitong Huwebes para bigyan ang manggagawa ng bagong bisikleta.

Todo-pasalamat si Antones kay Melgar dahil malaking tulong ito sa kaniya.

Pinasasalamatan din ni Antones ang iba pang gustong mag-abot ng tulong para sa kaniya. —Jamil Santos/LBG, GMA News