Dahil sa pag-overtake ng isang rider, nakasalpukan niya ang kasalubong na rider na nasa kabilang linya ng kalsada na nagresulta sa kanilang pagkamatay sa Cabuyao City, Laguna.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita sa CCTV ng Barangay Sala nang lumihis sa kaniyang linya sa kalsada ang isang rider para unahan ang motorsiklo pero nakasalpukan niya ang kasalubong na rider na nasa tamang linya.

Dahil parehong mabilis ang takbo, tumilapon ang dalawang rider at nagkasira-sira ang kani-kanilang motorsiklo.

Nadamay din ang isa pang nakamotorsiklo nang matamaan siya ng isa sa mga tumilapong rider ngunit agad naman siyang nakabangon.

Samantala sa DasmariƱas, Cavite, makikita naman ang pagbiyahe sa iisang direksyon ng isang kotse at motorsiklo nang kumabig pakaliwa ang motorsiklo.

Hindi na nakaiwas ang kotse kaya nasalpok nito ang motorsiklo, at sumagi ito sa center island.

Inalalayan ng ilang motorista ang rider na hindi agad nakatayo, saka dumating ang rescue team na nagdala sa kaniya sa ospital.

Sa Caramoan, Camarines Sur, kritikal naman ang rider at kaniyang angkas nang bumangga sila sa isang truck sa Barangay Mabini.

Nakainom umano ang magkaangkas, ayon sa mga awtoridad, na wala ring mga helmet at lisensya sa pagpapatakbo ng motor.

Dinala sa presinto ang driver ng truck habang iniimbestigahan ang insidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA News