Isang lalaki na umuwi sa New Bataan sa Davao de Oro para makita ang anak ang pinasok sa loob ng isang quarantine facility at pinagsasaksak hanggang sa mapatay.

Sa ulat ni Tek Ocampo sa RGMA-One Mindanao, sinabing galing sa Siargao ang biktimang si RJ Villacencio, at sumailalim sa mandatory quarantine na bahagi ng health protocol bilang pag-iingat sa COVID-19.

Pero pangalawang araw pa lang niya sa quarantine facility ay pinasok na siya ng suspek na si Rema Villaren at pinagsasaksak hanggang sa mapatay.

Sumuko naman kinalaunan sa pulisya si Villaren at inamin umano nito ang krimen.

"Kinausap natin siya [suspek], ni-reveal niya doon talagang pinagplanuhan niya po nang matagal. Umakyat po siya sa bakod (sa likod) yung po ang statement niya," ayon kay Police Captain Churchill Pablo Angog, Jr., commander, New Bataan Police Station.

Matinding selos naman ang lumalabas na motibo ng suspek sa pagpatay sa biktima dahil sa isang babae na pareho nilang nakarelasyon.

"Mayroon daw siyang live in partner which is yung babae din na 'yon ay formely live-in partner naman nitong suspek. (Sa) side naman nung babae at saka nung sa side nung biktima, hiwalay na sila pero kuwento ng suspek natin, nagkalabuan lang daw," dagdag ni Angog.

Humingi naman ng dagdag na seguridad ang lokal na pamahalaan na magbabantay sa quarantine facility.--FRJ, GMA News