GENERAL LUNA, Quezon - Ang bayanihan sa bayan ng General Luna, Quezon, buhay na buhay pa rin.

Nagtulong-tulong ang magkakapitbahay sa Barangay San Isidro Ilaya, General Luna sa pagbuhat ng isang bahay upang ilipat ito sa kabilang sitio ng barangay. 

 

Ayon sa kumuha ng larawan na si Erwin Villaruel, aabot sa 25 tao ang bumuhat sa bahay. 

Kinunan niya ito ng larawan at video sa sobrang kasiyahan. 

Bihira na raw kasi ang ganitong tagpo sa probinsiya.

 

Masayang binuhat ng 25 na mga magkakapitbahay ang bahay na ito upang ilipat sa kabilang sitio.  Erwin Villaruel

 

Masaya raw na binuhat ng mga tao ang bahay sa kumpas ng isang lalaki na nagsilbing guide.

Tumagal daw ito ng dalawang oras. 

Matapos raw ang bayanihan ay nagkaroon ng salo-salo sa bahay na binuhat ng magkakapitbahay.

Tunay nga na buhay pa rin at hindi basta basta mawawala ang isa sa mahalagang kultura ng mga Pilipino, ang kultura ng pagkakaisa o pagbabayanihan.

Isang tawag lang daw sa mga kapitbahay ay hindi nag-atubili ang mga ito na tumulong. —KG, GMA News