Marami ang nagimbal nang maibalita ang isang ginang na sinilaban nang buhay ang kaniyang mister habang natutulog sa kanilang bahay sa Pampanga. Ano nga ba ang nagtulak sa ginang para magliyab sa galit at silaban ang kaniyang mister na binawian ng buhay.

Madaling araw nitong nakaraang linggo nang maganap ang krimen sa bahay ng mag-asawang itinago sa pangalang "Rolly" at "Gemma" sa Barangay San Isidro, Sta. Rita, Pampanga.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo,  sinabing dumating daw si Rolly na galing sa isang party, doon na raw naisipan ni Gemma na gawin ang kaniyang binabalak sa kaniyang asawa.

Nakita sa CCTV si Gemma na umalis sakay ng motorsiklo na pinaniniwalaan ng mga awtoridad na bumili ng gasolina.

Pati ang kaniyang pag-alis sa bahay matapos na siliban ang asawa ay nakita rin sa CCTV.

Sa ginawang pagtatanong ng pulisya, umiiyak na inamin ni Gemma ang nagawang krimen na dulot umano ng galit dahil sa paulit-ulit daw na pambabae ng mister.

Pero hindi raw niya planong patayin ang asawa.

"Hindi ko naman alam na ganun ang mangyayari. Ang alam ko talaga mao-ospital lang siya. Hindi ko naman talaga expected na ganun," pahayag ni Gemma.

Isinugod sa ospital si Rolly na nagtamo ng matinding mga paso sa katawan. Dahil sa maselan ang kalagayan ng biktima, nagpalipat-lipat pa siya ng pagamutan hanggang sa bawian na ng buhay sa ikatlong ospital na pinagdalhan sa kaniya.

Sinampahan na ng kasong murder si Gemma dahil sa nangyari kay Rolly.

Tunghayan sa video ang buong pangyayari sa naturang krimen at payo ng mga eksperto tungkol sa relasyon ng mag-asawang nahaharap sa problema.--FRJ, GMA News