Patay ang isang criminology student at sugatan ang kanyang kaibigan dahil umano sa pambubugbog ng isang kagawad sa Manaoag, Pangasinan.

Iniulat sa "Unang Balita" nitong Miyerkules ng umaga na magkaangkas sa motorsiklo ang biktimang si Isagani Ilagan at ang kaniyang kaibigan, nang bumangga ang minamanehong motor sa barrier sa kalsada.

Nilapitan umano ang dalawa ni barangay kagawad Roden Padilla.

Kwento ng kapatid ni Isagani na si Anna Pauline, nabangga ng kanyang kapatid ang barnadilya, hinarang sila at saka pinaupo.

Dun na umano pinagpapalo ng kagawad ang kaniyang kapatid at ang kasama.

Pahayag naman ng ina ng biktima, dapat panagutan ang gianawa ng kagawad sa anak niya.

Kailangan daw munang ipa-autopsy ang katawan na kanyang anak. 

Nagpapagaling pa sa ospital ang kasamang sugatan.

Itinanggi naman ng kagawad ang krimen at sinabing hindi niya magagawa ang bintang dahil paralisado ang isa sa kanayang mga kamay. —LBG, GMA News