Nalunod ang tatlong magkakamag-anak nang anurin ng biglang lumakas na agos ng ilog na kanilang pinapaliguan sa Negros Oriental.

Iniulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkules ng umaga na naliligo sa talon ang isang mag-asawa, kasama ang kanilang mga anak at isang pamangkin sa bayan ng Taysan.

Bigla na lamang umanong lumakas ang agos ng ilog at tinangay ang nanay at dalawang bata.

Nakita na lamang na inaanod ang bangkay ng nanay. Natagpuan naman 'di kalayuan ang bangkay ng kanyang anak, at nakita naman sa may paanan ng talon ang bangkay ng 5-anyos na pamangkin.

Naisugod sa pagamutan ang asawang lalaki at isa pang anak ng biktima.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na naliligo ang pamilya sa may talon nang bigla na lamang umanog rumagasa ang tubig dulot ng malakas na ulan sa bundok. —LBG, GMA News