Sa kulungan ang bagsak ng isang mag-asawa, isang fishball vendor at isang barbero sa mga ginawang anti-drug operations ng mga awtoridad sa iba't ibang probinsiya.

Sa Cagayan de Oro City, huli ang mag-asawang Agapito at Betsie Gomez, na mga No. 1 at  2 regional target ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ayon sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes.

Nakuha mula sa mag-asawa ang 11 sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mag-asawa.

Sa Ilagan, Isabela naman, nadakip din sa buy-bust operation ang fishball vendor na nagngangalang si Dennis Gavin.

Nakuhaan si Gavin ng isang pakete ng shabu ngunit depensa ng suspek, planted ito.

Sinabi naman ng pulisya na dati nang natiktikan ang suspek, at dati na silang nakabili ng shabu sa test buy bago ang aktwal na buy-bust operation.

Isang barbero naman ang hinuli rin sa buy-bust operation sa Albuera, Leyte.

Kinilala siyang si Francisco Polo, kung saan isinagawa ang operasyon sa kaniyang barber shop.

Nakuha sa suspek ang tatlong pakete ng shabu umano, pero itinanggi ni Polo na sa kaniya ang ilegal na droga at planted din daw ang mga ito.

Pero ayon sa pulisya, minamanmanan na nila si Polo bago ang operasyon. —LBG, GMA News