Patay ang isang lalaki matapos siyang pagtatagain ng salarin sa Libacao, Aklan. Ang biktima, umiihi sa labas ng isang pinaglalamayan nang mangyari ang krimen.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Melvin Asiong, residente ng Barangay Loctuga sa nabanggit na bayan.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, umiihi sa labas ng lamay sa Barangay Manika ang biktima nang bigla na lang siyang pagtatagain ng salarin.

Anim na sugat ang tinamo ng biktima na kaagad niyang ikinamatay sa pinangyarihan ng krimen.

Away ng pamilya o paghihiganti ang tinitingnang motibo ng pulisya sa nangyaring patayan.

Patuloy na pinaghahanap ng awtoridad ang tumakas na salarin at inaalaman ang kaniyang pagkakakilanlan.--Jun N. Aguirre/FRJ, GMA News