Hindi na mababati ng dalawang batang anak ang kanilang ina sa Mother's Day matapos na masawi ang huli nang mabangga ng motorsiklo ang sinasakyang niyang garong na gamit sa pagtitinda sa Asingan, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing pinapaubos na lang ng biktimang si Rachelle Gobina ang tinda niyang karne ng baboy nang mangyari ang trahediya.

Sakay noon ang biktima ng garong nang masalpok ng motorsiklong minamaneho naman ni Jimroy Cruz, sa Barangay Domanpot.

Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang ginang at nadala pa sa ospital pero binawian din ng buhay.

Nakaligtas naman si Cruz pero patuloy na nagpapagaling pa sa ospital.

Ayon kay Police Major Resty Ventenilla, hepe ng Asingan Police Station, lumalabas sa imbestigasyon na bigla umanong lumiko ang garong ng biktima na dahilan para mabangga ni Cruz na mabilis umano ang takbo.

Bukas naman umano ang pamilya ng biktima na makipag-usap sa kabilang panig upang hindi na sila umabot sa demandahan. --FRJ, GMA News