Doble disgrasya ang inabot ng isang senior citizen sa Silay City, Negros Occidental, matapos siyang madaganan ng refrigerator at makuryente.
Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, binubuksan ng biktimang si Ermi Bayer ang kanilang refrigerator nang biglang natumba ang ref at nadaganan siya nito.
Natapon pa ang tubig sa loob ng ref kaya nakuryente rin ang biktima.
Isang kapitbahay na nagtangkang iligtas ang biktima ang tumilapon din dahil sa lakas ng kuryente.
Isinugod pa sa ospital si Bayer pero idineklara siyang dead on arrival. —KBK, GMA News
