Itinanggi ng isang kaanak ng isang lola na nag-viral kamakailan na sinaktan ang matanda dahil sa umano'y agawan sa lupa, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan ng Unang Balita nitong Lunes.

Sa video na kuha nitong Pebrero, makikita na kinakaladkad at binubuhat ng dalawang lalaki ang matandang babae. Sa isa pang video na kuha nitong Hunyo, makikita ang matanda na umiiyak at tila may iniindang sakit. May dugo rin sa bandang kanang kilay niya.

Nasa Mandaluyong na ngayon ang matanda kasama ang ilan niyang mga kamag-anak.

Ayon kay Marvin Sison, ang tatay at kapatid ng dalawang lalaking bumuhat sa matanda sa video, aminado siyang mali ang ginawa ng kaniyang anak at kapatid.

Ani Sison, nag-aaral ang kaniyang anak nang bigla na lang itong batuhin ng matanda. Nang sinaway daw ang matanda ay bigla na lang itong humiga at ayaw nang tumayo.

Itinanggi ni Sison na may nangyaring pambubugbog sa matanda, na malayo raw nilang kamag-anak. Nadapa raw ito kaya ito nagkasugat sa ulo.

Itinanggi rin ni Sison na may away sila sa lupa. Aniya, may sakit sa pag-iisip ang matanda -- bagay na pinabulaanan naman ng apo ng matanda.

Matagal na raw isinanla ng matanda ang bahay sa Pangasinan.

Sa kabila ng pahayag ni Sison, desididong magsampa ng reklamo ang mga kaanak ng matanda. Gusto naman ni Sison na daanin na lang sa usapan ang sigalot.  —KBK, GMA News