Ibinasura na ng korte sa Asingan, Pangasinan ang kasong pagnanakaw ng mangga laban kay Leonardo Flores o Lolo Narding. Kasabay nito, humingi umano ng tawad ang matanda sa taong nagsampa sa kaniya ng kaso.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkoles, sinabi ng abogado ni Lolo Narding na si Atty. James Fernandez na nitong Martes dininig ng korte ang kaso.

Naghain umano ng not guilty plea si Lolo Narding at ibinasura na ng korte ang kaso matapos na magkapatawaran ang magkabilang panig.

Si Robert Hong ang nagsampa ng kaso laban kay Lolo Narding matapos umanong kumuha ng 10 kaing na mangga ang matanda, na taliwas umano sa unang napaulat na 10 kilo lang.

Nag-viral sa social media ang kaso ni Lolo Narding matapos siyang arestuhin sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng korte.

Lumabas sa mga ulat na si Lolo Narding umano ang nagtanim ng puno at kumuha lang daw ito ng bunga para matikman at ibenta.

Pero nilinaw ng kampo ni Hong sa nagdaang mga ulat na hindi si Lolo Narding ang nagtanim ng puno. Ikinagulat din umano niya ang paglabas ng arrest warrant dahil nagkaroon na sila ng pag-uusap sa barangay.

Ayon sa anak ni Hong na si Rovelyn, hinihintay lang daw talaga ng kaniyang ama na humingi ng patawad si Lolo Narding dahil sa ginawa nitong pagkuha ng mga mangga.

Umaasa ang pamilya ni Hong na hindi na uulitin ni Lolo Narding ang ginawa.

Gayunman, sinabi ni Rovelyn na puwede naman humingi sa kanila ng mangga ang matanda.

Patuloy na sinisikap na makuha ang panig ni Lolo Narding o kaniyang pamilya.--FRJ, GMA News