Nahuli-cam ang ginawang pag-atake ng isang basketball player at mga kaanak niya sa isang referee matapos ang laro sa Vigan City, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV News nitong Lunes, makikitang nabagok at nawalan ng malay ang 49-anyos na referee na Eric Astrologio, matapos suntukin ng mga umatake sa kaniya.
Sa video footage, makikita na nagkaroon muna ng pagtatalo sa gitna ng laro ang biktima at ang suspek na basketball player na si Jan Micheal Reg, sa basketball tournament sa Barangay Cabalangegan.
Napaghiwalay naman noon ang dalawa at nagpatuloy ang laro. Pero matapos ang laro, muling nagkainitan sina Astrologio at Reg.
Sinugod ni Reg, kasama umano ang dalawang kapatid at pamangkin nito, ang biktima. Tinamaan ng suntok si Astrologio at natumba kaya nabagok ang ulo sa semento.
Tumakas ang mga suspek habang naiwa na walang malay ang biktima.
Ayon sa pulisya, may inireklamo ang suspek tungkol sa "tawag" ng referee kaugnay sa nangyaring laro na ugat ng away ng dalawa.
Naaresto na at sasampahan ng kaukulang reklamo si Reg at mga kaanak niya.
Samantalang bumubuti na umano ang kalagayan ni Astrologio.
Humingi naman ng patawad ang mga suspek sa kanilang ginawa, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News
