Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki sa Iriga, Camarines Sur, matapos niyang takutin ang isang babae na ikakalat ang mga sensitibong larawan nito kung tatangging makipagtalik sa kaniya.

Sa video ng Iriga City Police na mapapanood sa Unang Balita nitong Biyernes, makikita ang pag-aresto sa 26-anyos na suspek na si Darsi San Pascual sa ikinasang entrapment operation.

Tinatakot umano ni San Pascual ang 21-anyos niyang biktima na ipakakalat sa social media ang mga sensitibong larawan nito kung hindi papayag na sumiping sa kaniya.

Nabawi kay San Pascual ang cellphone na kaniyang ginamit para rito.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act.

Tumanggi siyang magbigay ng pahayag. —Jamil Santos/KBK, GMA News