Isang bata at isang senior citizen ang nasawi nang makabangga ng mga tao ang isang van, bago  ito sumalpok sa poste at bakod sa Bato, Catanduanes.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng mga awtoridad, galing sa pakikipaglibing ang van sa Gigmoto at patungo sa Virac nang maaksidente ito sa Brgy. Ilawod sa bayan ng Bato.

Nakabangga umano ng mga taong naglalakad ang van kaya umiwas ang driver ng van. Sa kaniyang pag-iwas sa iba pang tao, bumangga ang sasakyan sa poste.

Pero nagpatuloy pa umano sa paggulong ang sasakyan bago sumalpok sa bakod ng isang bahay.

Matapos nito ay nakita na ang isang batang 10-anyos na kabilang sa mga taong nahagip ng sasakyan.

Nasawi ang bata at ang isang senior citizen na sakay ng van. Siyam na iba pa ang nasugatan.

Nasa kostudiya na ng mga pulis ang driver ng van, habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.-- FRJ, GMA News