Patay ang isang babae matapos makuryente sa mikropono ng videoke sa Casiguran, Aurora, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Sa mismong bahay ng biktimang si Mary Jane Macahipay naganap ang insidente sa Barangay 1 Poblacion.

Kuwento ng asawa ni Mary Jane na si Matt, nauna na siyang nabiktima ng grounded na mikropono pero masuwerte siyang nakaligtas dahil nahila na agad ito ng kaniyang ina.

Nang dumating ang kaniyang misis, hinawakan din nito ang mikropono pero bigla siyang nanigas at sumubsob.

Naisugod pa si Mary Jane sa ospital pero namatay din ito kinalaunan. —KBK, GMA News