Agad na nasawi ang isang 22-anyos na rider matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa nakaparadang jeep sa Batangas City. Ang biktima at angkas niya, walang suot na helmet.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Christian Jayson Base, na nagtamo ng matinding sugat sa ulo at katawan.

Sugatan naman ang kaniyang angkas na isinugod sa ospital.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente kaninang tanghali sa Barangay Cuta. Ipinarada umano ni Arnold Onte ang kaniyang jeep sa gilid ng kalsada para kumain sa isang karinderya.

Tapos na umano silang kumain nang makarinig sila ng kaguluhan. At nang lumabas, nakita nila na may motorsiklong naaksidente.

"May bumanggang motor, single, sa jeep ko pala bumangga," sabi ni Onte.

Sinabi naman ng saksing si Geofre Fradejas na mabilis ang takbo ng motorsiklo at walang suot na helmet ang mga sakay nito.

"Mabilis na motor, maingay kaya ako napatingin. Tapos dumaan sa harap ko walang helmet parehas, nakangiti pa nga po eh. Dire-diretso po sila sobrang bilis, kurbada eh bigla pong may nakaparadang jeep [sumalpok]," kuwento niya.

Ayon sa kaanak, nakainom umano si Base at hindi nagpaalam na magmomotoriklo nang mangyari ang insidente. --FRJ, GMA News