Patay ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa Batangas City matapos silang salpukan ng isang pick-up truck na nag-overtake umano.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang mga nasawi na si Richard Bongcal, 31-anyos, rider ng motorsiklo, at ang angkas niyang si Alvin Dotillos, 32.

Sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sa bayan ng San Jose ang mga biktima at tinatahak ang national highway nang salpukin sila ng pick-up truck na galing sa kabilang linya ng kalsada.

Ayon kay Police Major Erickson Go, Deputy Chief ng Batangas City police, nag-overtake umano ang pick-up truck sa isang truck na nasa unahan nito.

"Siguro hindi niya namalayan o hindi niya nakita yung kabilang linya, na sa pag-overtake niya ay mayroong ding motor na kasalubong niya," anang opisyal.
Sa lakas ng salpukan, nasira ang unahan ng pick-up truck at pumailam sa sasakyan ang isang biktima.

Nasa kontudiya ng pulisya ang driver ng pick-up truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property.

Hindi pa siya nagbibigay ng pahayag, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News