SAN PABLO CITY, Laguna - Patay si dating Dolores, Quezon Vice Mayor Danilo Amat matapos itong pagbabarilin sa Barangay San Francisco, San Pablo City, Laguna pasado alas-sais ng gabi nitong Biyernes.

Base sa report ng San Pablo City Police Station, minamaneho ni Amat ang kanyang sasakyan sa 7 Street nang pagbabarilin ito ng hindi pa matukoy na salarin.

Nagtamo ang biktima ng tatlong tama ng bala sa katawan na naging sanhi ng kamatayan nito.  

Agad daw na tumakas ang suspek matapos maisagawa ng krimen.

Sinubukan pang isugod sa pagamutan ang biktima subalit hindi na ito umabot doon ng buhay.

Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang nasa likod ng pagpaslang at kung ano ang dahilan.

Matagal na raw na may banta sa buhay ang dating bise alkalde. Isa ang pulitika sa mga tinitingnan na dahilan ng pagpaslang dito.

Sinusubukan pa ng GMA News na kunan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima. —KG, GMA News