Labis ang hinagpis ng isang 10-taong gulang na lalaki nang pumanaw ang alaga niyang aso na nasagasaan ng van sa Ibajay, Aklan.

Sa ulat ni Jan Allen Ascaño ng Super Radyo Kalibo, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Tagbaya ng nasabing munisipyo nitong Biyernes ng umaga.

Nang makita ang wala nang buhay na alaga, umiyak ang bata habang binubuhat ito at niyayakap.

Ayon sa ina ng bata, patungo sana ang kaniyang anak sa bahay ng lola kasama ang alagang aso nang biglang tumawid ang hayop sa kalsada nang hindi niya namamalayan.

Ilang saglit ang lumipas, nasagasaan ng van ang aso.

Halos dalawang buwan pa lamang na alaga ng pamilya ang aso na palaging kasama at katabi sa pagtulog ng batang lalaki.

Nang mag-trending sa social media ang batang lalaki at ang alaga niyang aso, may nagmagandang loob na netizen na binigyan ng bagong aso ang bata para maibsan kahit paano ang dalamhati na nararamdaman nito. —Jamil Santos/KG, GMA News