Nasawi ang isang mag-ama na katatapos lang umanong maghapunan nang tamaan ng kidlat ang kanilang bahay sa Catanauan, Quezon.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na si Jomar Funtilar, 36-anyos, at anak niyang si Jonah, 9.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nasa kanilang bahay ang ama sa Barangay Tagbacan Ilaya, at nagliligpit na ng kanilang pinagkainan nang tumama ang kidlat.

Hindi umano direktang tinamaan ang mag-ama pero nahagip sila ng kuryente na mula sa kidlat na tumama sa kahoy na haligi ng bahay na malapit sa kinaroroonan nila.

Nakita raw ng mga kapitbahay ang pagtama ng kidlat sa bahay ng mga biktima kaya kaagad nila itong pinuntahan at nakitang nakahandusay na ang mag-ama.

Ayon sa pulisya, gawa sa light materials ang bahay ng mag-ama at nakatayo sa malapit sa bukid.

Umuulan umano nang mangyari ang insidente.--FRJ, GMA News