Timbog ang isang lalaki nang-hack umano ng social media account para makahingi ng pera sa mga nasa contact list ng biktima sa Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nahuli sa entrapment operation ang 21-anyos na suspek sa Baranga Poblacion sa Libmanan, Camarines Sur.

Ayon sa pulisya, isang messenger account umano ang na-hack ng suspek at nanghingi ng pera sa mga nasa contact list ng biktima.

Nakipagkasundo ang biktima na magpapadala ng pera sa suspek sa pamamagitan ng isang money transfer outlet at doon na inabangan ang suspek para maaresto.

Sinabi umano ng suspek sa awtoridad na unang pagkakataon lang daw niya na ginawa ang modus.

Pero duda ang mga awtoridad dahil may kakayahan umano ang suspek na mang-hack ng messenger account.--FRJ, GMA News