Isang security guard ang nasawi matapos sumemplang ang minamaneho niyang motorsiklo at masagasaan siya ng truck sa Lipa City, Batangas.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Pocholo Estillero, 33-anyos, residente ng Santo Tomas City.

Ayon sa kaanak ng biktima, papasok na sana sa trabaho sa bayan ng Malvar si Estillero nang mangyari ang trahediya sa Barangay Bugtong na Pulo sa Lipa.

Nagtamo ng matinding pinsala ang biktima at hindi na umabot nang buhay nang dalhin sa pagamutan.

Ayon sa pulisya, nakipag-usap na ang driver ng truck sa mga kaanak ng biktima para makipag-ayos sa nangyari.

Dahil sa nangyari, muling nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na laging mag-ingat sa pagmamaneho, huwag magmamadali, at huwag mag-drive kung nakainom.--FRJ, GMA News