Patay ang isang mag-ama matapos tamaan ng kidlat ang kanilang bahay  sa bayan ng Catanauan sa lalawigan ng Quezon.

Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita batay sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na nagliligpit lang umano ng pinagkainan ang mag-ama nang biglang tamaan ng kidlat ang kanilang bubong.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alamang unang dumaloy ang kuryente sa ama at sumunod sa kanyang batang babaeng anak.

Nakita pa umano ng mga kapitbahay ang pagtama ng kidlat sa bahay ng mga biktima kaya’t agad nila itong pinuntahan ngunit nadatnan nilang nakahandusay na ang mag-ama. —Alzel Laguardia/LBG, GMA News