Kinunan pa ng video ng isang ama sa Minalabac, Camarines Sur ang paulit-ulit niyang pananakit sa kanyang 4-anyos na anak.
Batay sa video mula sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabi ng Unang Balita nitong Huwebes na ilang beses na sinaktan at sinakal pa ng ama ang bata.
Napag-alaman na ang video ay kuha mismo ng ama at ang dahilan niya ay upang mapauwi umano ang kanyang misis na nagtatrabaho sa Maynila.
Ayon sa ama, hindi raw niya sinasadayang saktan ang kanyang anak.
Nagpasya naman umano ang misis na hindi na magsasampa ng kaso laban sa kanyang asawa.
Pero ayon sa Women and Children Protection Desk ng pulisya, maaari pa ring makasuhan ang ama kung mapatunayang may pang-aabuso na nangyari.
Nasa kustodiya ng mga pulis ang ama at ang tatlong anak niya. —LBG, GMA News
