Patay matapos barilin sa loob ng pagmamay-ari niyang convenience store ang isang babae sa Malvar, Batangas.
Sa ula ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Eufemia Buno, 55-anyos, ng Barangay San Andres.
Nakita sa kuha ng CCTV camera ang pagdating ng gunman, at ang pagbaril nito sa biktima na nagsilbing kahera sa tindahan nang sandaling iyon.
Kaagad na tumakas ang salarin sakay ng naghihintay na motorsiklo.
Sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad, nadakip ang suspek na si Herbert Adano, residente ng Brgy. San Fernando.
Itinanggi ng suspek ang krimen at iginiit na napagbintangan lang siya.
Ayon sa pulisya, kinumpirma ng testigo na si Adano ang bumaril sa biktima.
Ang posibleng away sa ibinebentang lupa ang tinitingnan motibo sa krimen.
"Apat silang magpaparte-parte dun sa mabebenta na lupa. Kaya lang nung kukuhanin tinatanong na po ng biktima doon sa suspek yung updates kung naibenta na, sabi po ay wala pa," sabi ni Police Major Jonathan Amutan, hepe ng Malvar police.
Patuloy ni Amutan, naisipan umano ng biktima na kunin na lang muli ang papel pero ayaw nang ibigay ng suspek.
Nananawagan ang pamilya ng biktima ng hustiya lalo pa't lumilitaw na mayroon pang ibang kasabwat ang suspek sa krimen.--FRJ, GMA News
