Ginawang mas exciting ng isang guro ang exam review ng kaniyang mga estudyante nang i-set up niya ito na parang isang game show sa kanilang paaralan sa San Fernando, Pampanga.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita na kumpleto sa set-up si Teacher Clinton Miguel na may TV, tablets, speaker sa Quebiauan Integrated School.

Si Teacher Clinton ang nagsilbing game master habang contestants naman ang kaniyang mga estudyante.

Hinati ang klase sa dalawang grupo, at tumatawag ang guro ng pares na maglalaban sa gitna.

Naging paksa ng mga tanong ang tungkol sa kanilang mga napag-aralan, at bibigyan ng points ang makakasagot.

Game at nag-enjoy ang mga estudyante sa pakulo ng guro.

Sinabi ni Teacher Clinton na naisip niya ito matapos bumagsak sa unang quiz ang marami sa kaniyang mag-aaral.

Ipinagmamalaki niya na marami na ngayong mga bata ang pumasa sa exam. —LBG, GMA Integrated News