Patay ang isang mag-asawa matapos salpukin ng isang ambulansya na nag-overtake umano ang sinasakyan nilang tricycle sa Balayan, Batangas.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, kinilala ang mga biktima na si Crispin Comia, driver ng tricycle, at ang kaniyang asawa na si Gabina.

Ayon sa pulisya, nangyari ang trahediya nitong Lunes ng hapon, at patungo umano sa ospital sa Balayan ang ambulansya para maghatid ng pasyente.

Nag-overtake umano ang ambulansya sa sinusundang truck kaya kinain nito ang linya ng kasalubong na tricycle at doon na naganap ang salpukan.

Sa lakas ng banggaan, nagkalasog-lasog ang tricycle at nawasak din ang unahan at windshield ng ambulansya.

Nasugatan din ang isang rider nang madamay ang minamaneho niyang motorsiklo sa banggaan.

Ayon kay Police Major Domingo Ballesteros Jr., hepe ng Balayan Police Station, mabilis ang takbo ng ambulansya.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang driver ng ambulansya na si Domingo de Leon, na mahaharap sa kaukulang reklamo.

Sinisikap pa na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima, at maging ang driver ng ambulansya ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News