Inaresto ng mga pulis-Cavite ang dalawa nilang kabaro na inireklamo ng pangmomolestiya ng isang babaeng grade 12 student.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, sinabing may ranggong police corporal at police master sergeant ang mga suspek na nakatalaga sa Imus Police station.

Batay umano sa reklamo ng biktima, kainuman nila ng kaniyang live-in partner sa isang apartment sa Bacoor ang dalawang suspek na pulis, kasama ang tatlong iba pang kaibigan.

Nang magpahinga siya, laking gulat na lang umano biktima nang magising siya na nasa loob na ng kuwarto ang dalawang pulis.

Pero nagawa ng biktima na nakatakas at nakahingi ng tulong sa mga kaibigan.

"Wala naman tayong kinikilingan basta parehas ang lumabas sa imbestigasyon, wala po tayong papanigan," ayon kay Police Lieutenant Colonel Ruther Saquilayan, acting police chief, Bacoor Police Station.

Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng dalawang suspek at ang biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News