Patay ang isang lalaki sa Bacoor, Cavite, matapos mang-hostage sa isang bahay, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang napatay na suspek na si Danilo Gonzales, na nang-hostage umano matapos sitahin ng mga pulis dahil sa pagdadala ng baril.

Pasado 3 a.m. nang maganap ang hostage-taking sa loob ng Nazareth Compound.

"Nagkaroon ng habulan kung saan itong ating suspek ay nakita ng ating nagpapatrolyang pulis na balisa at ito ay sinita at pagkatapos nitong sitahin ito ay nagtatakbo sa Nazareth Compound," ani Police Lieutenent Colonel Ruther Saquilayan, hepe ng Bacoor City Police.

Pumasok daw ang suspek sa isang bahay at hinostage ang isang lalaking senior citizen at isang 32-anyos na babaeng nakatira roon.

Wala raw malinaw na demand ang suspek nang makipag-negosasyon. Sinubukan siyang pakalmahin ng mga pulis pero nauwi ito sa barilan matapos tutukan ng suspek ng baril ang mga otoridad.

Bagama't napatay ang suspek, ligtas naman ang mga hostage.

Nakuha kay Gonzales ang kalibre 45 na handgun at live ammunition.  —KBK, GMA Integrated News