Patay na at may tama ng bala nang makita sa kaniyang condominium unit sa Biñan City, Laguna ang isang opisyal ng Laguna Provincial Police Office (LPPO).
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Police Lieutenant Colonel Victor Aclan, dating hepe ng San Pedro City Police.
Ayon sa ng pulisya, may nadinig na putok ng baril mula sa ikatlong palapag ang isang security staff ng condominium kaninang umaga.
Nang puntahan nila ang unit ni Aclan, nakita ang duguang katawan ng biktima at wala na umanong buhay dahil sa tinamong tama ng bala.
Sa paunang impormasyon ng pulisya, sinasabing "accidental discharge of firearm" ang nangyari sa opisyal pero patuloy pa ang imbestigasyon.
Inilarawan si Aclan ng nakatrabaho niya sa San Pedro Police Station, bilang isang matulungin at madaling lapitan na tao.
"Lagi niyang sinasabi na nag-iisa siyang anak, saka mapagmahal sa parents po 'yon. Mapagmahal din na kaibigan, sa personality niya po, malambing siya kahit po saan," ayon kay PSSG. Gigi Cuaresma, Finance PNCO, San Pedro City Police.
Nito lang nakaraang Enero inilipat si Aclan sa LPPO.
Wala pang pahayag ang Biñan City police at ang LPPO kaugnay sa nangyari kay Aclan. Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News