Aalamin ng mga awtoridad kung ginahasa ang 28-anyos na babaeng architect na nakitang patay at tinakpan ng mga dahon ng saging sa Davao City.  Bago makita ang bangkay, nag-text na ang biktima sa kaniyang mga magulang na pauwi na siya.

Sa ulat ni R-Gil Relator ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa Barangay Dacudao.

Nauna nang inireport sa mga awtoridad dakong 12:30 a.m. na hindi dumating sa bahay ang biktima gayung nag-text na ito sa kaniyang mga magulang na nakasakay na sa tricycle at pauwi na.

Ayon sa awtoridad, aalamin sa imbestigasyon kung ano ang ikinamatay ng biktima at kung ginahasa dahil sa kalagayan ng kaniyang kasuotan nang makita ang bangkay.

"Nilalaliman pa natin ang imbestigasyon kung ano talaga ang cause of death o kung na-rape ba," sabi ni Police Maj. Catherine Dela Rey, spokesperson ng Deavao City Police Office.—FRJ, GMA Integrated News