Lubog sa baha ang ilang bahagi ng bansa dahil sa Bagyong Egay at hanging habagat, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita netong Miyerkules.

Lumusob sa baha ang ilang residente sa Brgy. Siksik sa Puerto, Pricesa Palawan. May iba na may dala ang maliliit na bata at alagang hayop. May mga inilikas din sa Brgy. Bakungan.

Ayon sa Puerto Princesa Risk Reduction Management Council, umapaw ang tubig sa ilog dahil sa buhos ng ulan simula kahapon.

Mahigit 300 pamilya na ang inilikas sa lungsod. 

Sa Sablayan, Occidental Mindoro naman sinagip ng Philippine Coast Guard ang ilang residente na na-trap sa mga bahay nilang nilubog ng baha. Nalubog naman sa baha ang taniman ng mais at mani san Brgy. Monte Claro.

Sa Bacolod City sinagip ng mga taga Bureau of Fire Protection ang ilang residente ng Brgy. Panganokoy na na-trap sa abot leeg na baha.

Umulan at bumaha din sa Cotabato dahil sa hanging habagat na pinalalakas ng Bagyong Egay. Sa Pigkawayan, tulong-tulong ang mga residente sa pagtulak ng mga sasakyan para makausad sa baha.  Binaha din ang mga bahay sa gilid ng kalsada. 

May mga bumagsak din na puno at barong-barong dahil sa sobrang lakas ng hangin. Anim na oras din nag-brownout pagkatapos mabagsakan ng puno ang mga kawad ng kuryente.

Sa Metro Manila naman, tumirik ang ilang mababang sasakyan dahil sa baha Araneta Avenue. —VAL, GMA Integrated News