Hawak na ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay sa isang batang babae na anim na taong gulang na nakita ang bangkay na tinabunan ng lupa at dahon ng saging sa Majayjay, Laguna.
Sa ulat ni Andrew Bernardo ng Balitang Southern Tagalog sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing sinamahan ng kapatid ang suspek sa pagsuko sa mga awtoridad.
Ayon kay Majayjay mayor Romy Amorado, isang magsasaka ang suspek na nasa edad 32-34.
Ipinaliwanag umano ng suspek na hindi niya sinasadyang mapatay ang bata.
"Hindi raw niya sinasadya parang siya ay ginulat ng bata habang nagtatabas ay nabigla siya parang nasuntok niya yung bata, tumama sa bakod, yun nagkaroon ng sugat sa leeg," pahayag ng alkalde batay sa salaylay umano ng suspek.
Matatandaan na noong nakaraang linggo nang mawala ang biktima na si Kate Mijares, residente ng Barangay San Roque.
Matapos ang dalawang araw, nakita ang bangkay ng bata na tinabuhan ng lupa at dahon ng saging sa kanilang barangay.
Ayon sa pulisya, lumitaw sa awtopsiya sa mga labi ng biktima na hindi nagahasa ang bata.
Nagtamo ang biktima ng pasa sa mukha at sugat sa leeg.
Nagpaalala naman si Amorado sa mga magulang na maging maingat sa pagpapalabas ng kanilang mga anak lalo na ang mga nasa bukid.
"Hindi natin masasabi kung ano talaga ang gawain ng ibang tao," anang alkalde na iniutos na magpatupad ng curfew sa kaniyang nasasakupan.--FRJ, GMA Integrated News
