Isang empleyado ang sugatan at aabot sa P9 milyong halaga ng alahas ang nakulimbat ng mga armadong lalaki na nanloob sa isang sanglaan sa Cagayan de Oro City nitong Miyerkules ng umaga.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News Saksi, makikita ang mga motorsiklo na nakaabang sa tapat ng sanglaan sa J.R. Borja St., na sinalakay ng nasa anim na armadong lalaki.
May bonnet at takip sa mukha ang mga salarin, na ang isa ay nakitang armado ng mahabang kalibre ng baril.
Madali umanong nalooban ang sanglaan dahil wala itong guwardiya, at hindi na nakaporma ang mga guwardiya sa katabing negosyo dahil na rin sa matataas na kalibre ng baril na hawak ng mga suspek.
Isang empleyado ang nasugatan matapos tamaan ng bala sa tiyan nang barilin ng mga kawatan ang kandado sa pintuan.
Hinihinala ng mga awtoridad na minanmanan ng mga kawatan ang operasyon ng sanglaan.
Patuloy pa ang imbestigasyon at paghahanap ng mga pulis sa mga kawatan.--FRJ, GMA Integrated News
