Nasawi ang isang sanggol na pitong-buwang-gulang matapos na ihagis ng sarili niyang ama sa Magsaysay, Davao del Sur.

Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nadakip ang 25-anyos na suspek na si Angelo Malit, isang araw matapos mangyari ang krimen.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa bahay sa Barangay Tagaytay ang suspek nang pakiusapan ng kaniyang asawa nitong Sabado ng gabi na patulugin na ang kanilang anak sa duyan dahil may ginagawa pa ang ginang.

Pero sa halip na patulugin ang sanggol na anak na babae, inihagis niya ito ay tumama ang ulo sa kahoy na hagdan na dahilan ng pagkamatay.

Mahaharap sa kasong parricide ang suspek, habang isasailalim sa counseling ang ginang na may kapansanan.

Bibigyan na rin siya ng livelihood assistance mula sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).-- FRJ, GMA Integrated News