Ikinagulat ng isang babae na nakita niya sa isang viral video ang pinarentahan niyang kotse na ginamit sa drifting sa Maa, Davao City. Ang lalaking nagrenta, umaming nagpasikat lamang siya.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, makikita sa video ang normal na pagtakbo ng mga sasakyan sa Bypass Road gabi ng Pebrero 16.
Ilang saglit pa, isang silver na kotse ang bigla na lamang lumiko at nagpaikot-ikot sa kalye na tila nagdi-drifting.
Sinabi ng Davao City Police na isang babae ang dumulog sa kanila at nagpakilalang siya ang may-ari ng nasabing sasakyan.
Sinabi ng babae na pinarentahan niya ito noong Pebrero 10 sa isang taga-Cotabato City.
Nagulat na lamang siya nang nakita sa social media ang kaniyang kotse.
Gamit ang GPS, natunton ng mga awtoridad ang sasakyan at nadakip ang lalaking nagrenta.
Humingi na ng paumanhin ang lalaki, na umaming nagpasikat lang siya kaya siya nag-drifting.
Mahaharap ang lalaki sa reklamong paglabag sa Land Transportation and Traffic Code. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
