Nasa 15 alagang kambing ang natagpuang patay sa magkakahiwalay na lugar sa isang barangay San Pascual, Masbate. Ang ilan sa mga kambing, nasaid umano ang dugo at wala na ang lamang-loob.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay San Rafael.

Ayon kay Monica Gallarde na namatayan ng limang alagang kambing, walang lamang-loob ang ilan sa mga hayop, at nasaid naman ang dugo ng iba.

May 10 pang alagang kambing ang nakita sa magkakaibang lugar.

Hindi pa nila matukoy kung asong-gala ang may kagagawan ng pag-atake gaya nang mga nangyaring insidente sa ibang lalawigan.

Handa naman daw ang pulisya na magsagawa ng imbestigasyon sa nangyari.

Nitong nakalipas na mga buwan, ilang insidente ng pag-atake sa mga kambing ang nangyari sa iba't ibang lalawigan.

Sa Barangay Mantalongon sa Barili, Cebu, walong kambing ang nakitang patay sa damuhan noong lang nakaraang linggo.

Noong nakaraang Enero, 14 na kambing din ang natagpuang patay at may mga kagat sa Zamboanga City.

May mga alagang kambing din ang nakitang patay sa San Juan, Abra noong Enero na wala na rin ang lamang-loob.-- FRJ, GMA Integrated News