Pumanaw ang isang lalaki na 11-taong-gulang ilang araw matapos siyang makagat ng aso sa magkaibang araw pero hindi nabakunahan ng anti-rabies sa Sison, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, ikinuwento ng lola ng biktima na residente ng Barangay Bantay Insik, na huling linggo ng Enero nang unang makagat ng aso ang kaniyang apo.
Isang asong gala umano ang nakakagat sa parte na malapit sa tenga ng biktima. Pero hindi umano nabakunahan ng pangontra sa rabies ang bata.
Sa ikalawang pagkakataon, nakagat na naman ng aso ang bata noong Pebrero 11 pero hindi raw ipinaalam ng bata dahil sa takot kaya hindi rin napabakunahan.
“Masakit talaga, sa akin kasi, lumaki ang bata ng ilang taon. Ako ang nag-alaga dahil ang magulang noon ay nag-abroad,” ayon sa lola na si Corazon Lagmay.
Nalaman lang ng pamilya na na-rabies ang biktima nang dalhin nila ito sa ospital noong Pebrero 23 dahil sa lagnat at pananakit ng katawan.
“Ang nakalagay sa death certificate ng bata ay positive sa rabies. Pero hindi umabot ang bata sa puntong naglalaway o mangangagat at takot sa maliwanag,” sabi ni Lagman.
Ang Municipal Agriculture Office ng bayan, nagsagawa ng anti-vaccination sa mga barangay.
Patuloy din na hinahanap ang aso na nakakagat sa bata.-- FRJ, GMA Integrated News