Natagpuan sa loob ng banyo at wala nang buhay ang isang 79-anyos na babae, kasama ang dalawa niyang alagang aso, matapos na masunog ang kanilang bahay sa Camiling, Tarlac.
 
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Mabini Street sa Poblacion G noong Miyerkules ng gabi.

Gawa umano sa light materials ang dalawang palapag na bahay ng biktima. Inabot ng mahigit isang oras bago naapula ng mga bumbero ang apoy.

“Solo living siya tapos may dalawa po siyang alagang aso. Bale kasama niya po sa banyo noong matagpuan namin po siya,” ayon kay SFO3 Venerando Rico, Jr., Chief Operations Officer ng Camiling Fire Bureau.

Hinihinala ng mga awtoridad na ang napabayaang nakasinding kandila ang pinagmulan ng sunog. --FRJ, GMA Integrated News