Pinagtataga hanggang sa mapatay ng isang buko vendor ang kaniyang live-in partner at dalawang batang anak sa Naga City, Cebu. Ang ginamit niya sa krimen, ang itak na gamit niya sa kaniyang pagtitinda ng buko.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing nadiskubre ang bangkay ng mga biktima kaninang umaga sa bahay ng pamilya sa Barangay Lutac.

Kinilala ang mga biktima na sina Junelyn Gimenez, 33-anyos, at mga anak na anak edad 11 at dalawa.

Nakita ang katawan nina Junelyn at anak niyang dalawang taong gulang na lalaki sa loob ng kuwarto. Habang nasa malapit naman sa kusina nakita ang katawan ng isa pa niyang anak na 11-anyos na lalaki rin.

Kinilala ang 33-anyos na suspek na si Carlo Camporedondo, na ama ng mga bata.

Sa imbestigasyon, nalaman na pinuntirya rin ng suspek ang lola ng mga bata pero nakatakbo ito.

Habang tumatakas, sinabi umano ng suspek sa lolo ng mga bata na patay na ang kaniyang asawa at dalawang anak.

Ayon sa kapatid ni Junelyn, sinabihan niya ang biktima na hiwalayan na si Camporedondo dahil sa pagpapakita nito ng pagiging marahas noong nakaraang taon.

Idinagdag pa ng kapatid na gumagamit umano ng ilegal na droga si Camporedondo.

Nabanggit na rin umano ng 11-anyos na nasawing anak, na nagbabanta ang kanilang ama na papatayin sila sa tuwing nag-aaway ang kaniyang mga magulang.

Ayon sa mga kapitbahay, wala silang nadinig na away o sigawan sa bahay ng mga biktima bago nangyari ang krimen.

Sinabi ni Police Staff Sergeant Ariel Yap, imbestigador sa Naga Police Station, na aalamin nila kung lango sa ilegal na droga ang suspek nang gawin ang krimen.

Naaresto si Camporedondo sa hot pursuit operation sa tulong ng mga barangay tanods nitong Lunes ng hapon.

Mahaharap ang suspek sa reklamong multiple murder na hindi pa nakukuhanan ng pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News