Patay ang isang 71-anyos na lalaki na nagpapahinga sa duyan matapos siyang palakulin sa ulo ng kaniyang pamangkin sa Kiblawan, Davao del Sur noong Martes ng gabi.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, lasing umano ang 52-anyos na suspek nang gawin ang krimen.
Isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na umabot nang buhay dahil sa tinamong mga sugat sa ulo.
Tumakas naman ang suspek pero naaresto rin sa hot pursuit operation, at nakuha ang ginamit niyang palakol sa krimen.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng suspek sa pagpatay sa biktima, habang hindi rin ito nagbigay ng pahayag matapos madakip.--FRJ, GMA Integrated News
