Isang bangkay ng babae na nakasilid sa garbage bag ang nakita sa damuhan na nasa gilid ng daan sa Barangay Tugbok Proper, Davao City noong Sabado.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, lumitaw sa imbestigasyon na isang lalaki ang nakakita sa garbage bag.

Nang kaniyang silipin ang laman ng bag, doon na nadiskubre ang bangkay ng babae na napag-alaman na 21-anyos, na single mom.

Nang suriin ng mga imbestigador ang bangkay, natuklasan na mayroon itong dalawang saksak sa dibdib.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA Integrated News