Patay sa pamamaril sa garahe ng kanilang bahay sa Angeles City, Pampanga ang isang pulis. Ang suspek sa krimen, ang kaniyang misis na isa ring pulis.
Sa press briefing nitong Huwebes, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, na nakarinig ng putok ng baril ang kapitbahay ng mag-asawa noong February 3.
Nakita umano ng kapitbahay ang biktima sa garahe na duguan. Matapos tumawag sa police station, bumalik ang kapitbahay sa biktima at nakita umano nito ang misis na may hawak na baril.
Ayon kay Fajardo, dinala sa ospital ang suspek na may ranggong police chief master sergeant na nakatalaga sa Angeles City Police Office, pero binawian din ng buhay.
Inaresto naman ang misis na suspek, na may ranggong police staff sergeant na nakatalaga sa regional forensic unit.
“Na-confirm na rin po based po sa ating investigation na yung baril po na nakita sa tabi po ng pulis na napatay ay yung issued firearms po ng kaniyang asawang pulis,” ayon kay Fajardo.
“Na-inquest na po kahapon. Iniintay lang natin yung result ng ballistic examination to confirm na yung baril na nakita po sa tabi ng napatay na pulis ay siya mismong ginamit sa pagpatay po sa kaniya,” dagdag nito.
Ayon kay Fajardo, isa sa tinitingnan na motibo sa krimen ang problema sa pagsasama ng mag-asawa.
Mayroong tatlong anak ang mag-asawa na edad dalawa hanggang 11, na ibinigay sa pangangalaga ng mga kaanak ng nasawing mister.-- FRJ, GMA Integrated News

