Nagtamo ng first at second degree-burn ang isang sanggol matapos umanong mabuhusan ng mainit na tubig ng kaniyang yaya habang pinapaliguan sa Bulacan.
Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News “Saksi” nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente noong umaga ng February 1 pero hapon na nang malaman ito ng ina.
Sobrang pulang-pula at magang-maga umano ang buong likod ng sanggol hanggang sa binti.
Dinala sa ospital ang bata para magamot.
“Siyempre masakit sa akin wala ako magawa, ni hindi ko naman nasaklolohan yung anak ko,” ayon sa ina.
Sa CCTV footage na ibinigay ng ginang sa GMA Integrated News, makikita na pinaliguan ng yaya ang sanggol dakong 9:39 a.m. sa banyo.
Pero ilang saglit lang, madidinig ang malakas na iyak ng sanggol. Ilang minuto pa ang lumipas bago lumabas ng banyo ang yaya at ang sanggol.
Kahit nasa sala na ang yaya at sanggol, patuloy pa rin sa pag-iyak ang bata.
Pero nalaman lang ng ginang ang nangyari sa anak dakong 3 p.m. nang umamin na ang yaya matapos na magsabi muna ng iba't ibang dahilan.
“Halos mamatay yung anak ko. Paano kung wala kami that time? Parehas kaming hindi kaya umuwi ng ganung oras. Paano na lang po yung anak ko? Anim na oras nagtiis yung anak ko bago siya nabigyan ng first aid na una pa lang dapat sinabi niya sa akin kung talagang nagmamalasakit siya sa anak ko,” ayon sa ginang.
Umalis umano ang yaya matapos ang insidente. Walong buwan pa lang daw sa pamilya ang naturang yaya na nakuha nila sa isang agency.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makaugnayan ang agency pero hindi makontak ang kanilang telepono.
“Sana makonsensya ka naman sa ginawa mo sa anak ko. Kung masaya kang nagtatago ngayon, masaya kang nakatakas ka, may batang nagdurusa hanggang ngayon dahil sa ginawa mo,” ayon sa ginang na nagsampa na ng reklamo sa pulisya ng San Miguel laban sa yaya.--FRJ, GMA Integrated News