Patay ang isang 45-anyos na babae matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem dahil umano sa away sa lupa sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, makikita ang ilang larawan ng biktima na duguan, nakabulagta sa kalsada, at wala nang buhay.

Sinabi ng pulisya na nagwawalis ang biktima malapit sa kanilang bahay nang dumating ang dalawang salarin sakay ng motorsiklo.

Ayon kay Rodriguez, Rizal police chief Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, bumaba ang angkas ng motor at pinaputukan ang biktima, na nagtamo ng dalawang tama ng bala na nagresulta ng kaniyang pagkamatay.

Away sa lupa umano ang ugat ng krimen.

"Matagal nang may hidwaan doon sa loteng iyon na kung saan ay pinaaalis itong biktima at hindi sila umaalis. Sa pag-iimbestiga natin, walang title itong loteng kinatitirikan ng kanilang bahay, itong inaangkin nila’y walang titulo kaya pinaaalis din sila. Ang kanilang pinanghahawakan ay matagal na silang tumitira diyan,” sabi ni Sabulao.

Pagkaraan ng ilang oras, nadakip ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek, isang senior citizen na itinuturong nagmaneho ng motorsiklo at kasabwat ng gunman.

Kinilala siya ng dalawang anak ng biktima na nakasaksi sa insidente.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kunin ang panig ng suspek ngunit hindi na siya nagbigay ng pahayag.

Ngunit sinabi ng kapulisan na itinatanggi ng suspek ang paratang.

Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa gunman.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News